Umibig ka na ba nang matindi? Kwentong Bokasyon ni Sr. Evangeline M. de Leon, FMA   9 comments

eva

Umibig ka na ba nang matindi?

Kwentong Bokasyon ni Sr. Evangeline M. de Leon, FMA

Umibig ka na ba nang matindi? As in yung kapag gumigising ka sa umaga nakangiti ka tapos kaya mong isipin ang isang tao 24/7 nang hindi ka nababaliw?!?! Grabe! Minsan, may isang batang nagsabi, “Palibhasa kayong mga madre, hindi umibig!” Pero sa totoo lang, mahirap manatili nang tapat sa buhay na ito ng hindi ka umiibig. Paulit-ulit mong ginagawa ang pare-parehong bagay araw-araw: gigising, magdadasal, sisimba, kakain, maglilinis, magtuturo (o kung ano man ang tungkulin na naibigay sa’yo), dasal uli, trabaho at madalas,  pagod kang matutulog. Hindi mo pa pisikal na nakikita o nahahawakan si Hesus, ang esposo mo. Pero kahit ang mga limitasyon na ito ay kayang tawirin ng pag ibig. Alam ‘yon ng puso mo- ramdam mo at totoong-totoo. Totoo pa rin kahit hindi mo maramdaman dahil ang Diyos ay di hamak na mas malawak pa sa ating mga damdamin. Siya ay nananatiling tapat. Siya ay Pag-ibig.

Akala ko kaya ako nagmadre ay dahil mahal ko ang Diyos. Hindi pala. Nang suriin ko nang mabuti, nakita ko na nagmadre ako dahil mahal ako ng Diyos at tinawag Nya ako. Nakita ko rin na hindi ko Sya masyadong minamahal pero hindi Nya binabawi ang tawag Nya sa akin. Pitong taon pa lang ako ng mangarap akong magmadre. Lalo itong tumingkad nung ako’y naging katekista, duon sa may riles ng tren. Tuwing Sabado ng hapon, lagi akong pumupunta sa PNR (Philippine National Railroad)-South, Magallanes, Makati para magturo sa mga bata. Sinusundo ko rin sila tuwing Linggo para sa misa. Gustong-gusto nila na marinig ang kwento ni Hesus! Minsan, pauwi na ako ng may isang batang humabol sa akin at sinabi, “Ate, balik ka ha? Kwentuhan mo kami ulit tungkol kay Hesus”. Ang saya-saya ng mukha nya at naramdaman ko sa puso ko na ito ang gusto kong gawin. Masaya ako sa buhay-simbahan bilang lector, Legion of Mary at katekista sa Our Lady of Fatima Parish nung nasa Makati pa kami. Lumaki ako sa mga Salesyanong pari ng San Ildefonso Parish at bilang bata, gustong-gusto ko ang Children’s Mass dahil ang saya- andyan na yung may katesismong pambata bago magsimula ang misa, may makukulay na drawing at slogan sa malaking pisara na may buod o tema ng ebanghelyo,  yung paborito kong skit o drama tungkol sa Mabuting Balita at yung iniiwasan naming pari na may mahabang microphone cord na naaabot kami at laging nagtatanong sa sermon nya tapos bibigyan ka ng stampita ng santo o santa kapag tama ang sagot mo. Magimik sila pero malaman. Natututo ka at nalilibang dahil kagiliw-giliw ang misa – kaming mga bata ang nagbabasa, sumasayaw, tumutugtog, kumakanta, umaarte. Misa talaga namin! Lalo kaming napapalapit kay Hesus dahil lagi kaming hinahanda ng mga katekista namin sa pagtanggap sa Kanya sa Banal na Komunyon.  Sabi ko, ang saya namang magsimba! Ang saya sa simbahan! Nagkaroon pa ako ng nanay na parati akong sinasama sa bible studies ng matatanda at kapitbahay na sinasali kami ng mga kapatid ko sa Block Rosary tuwing Sabado at nagpapabasa ng mga libro ng iba’t-ibang santo at nagbibigay sa amin ng bibliyang pambata. May malalim din akong saya na nararamdaman tuwing nakakatulong ako sa iba dahil sa ginagawa namin sa simbahan. Nasabi ko tuloy, gusto ko na lang maging misyonera dahil parang mas madali ‘yon kaysa maging madre. Masasabi ko na ang mga bagay na ito ang naging punla ng aking bokasyon. Ramdam ko na gusto kong maglingkod sa Diyos bilang madre pero panganay ako sa amin at gusto ko ring makatulong sa mga magulang ko. Nung ika-18 kaarawan ko, nagtapang-tapangan ako at nagpaalam sa tatay ko na magmamadre ako pagkatapos kong magkolehiyo at makapagtrabaho ng kahit isa o dalawang taon. Nung una, hindi umimik ang tatay ko, tapos nagalit. “Tigilan mo na yang pagmamadre na ‘yan!” sabi nya.  Hindi rin nya hinarap ang mga madre nung unang pumunta sa bahay namin para ipaalam ako. Pero ngayon, ipinagmamalaki nya sa lahat nyang kakilala na may anak syang madre. Kailangang maghintay ng 5 taon ang pangarap na ’yon. Nagtapos muna ako ng Pilosopiya sa Unibersidad ng Santo Tomas, nagturo sa Mary Help of Christians Montessori dito sa Cavite at sa Ateneo de Manila University. Nag working student din ako pansamantala nung ako’y nasa kolehiyo at nagdodorm sa Maynila. Natuto ako sa buhay nang maaga. Nakita ko na kaya kong itaguyod ang sarili ko at makatulong sa pamilya ko kahit papaano pero hindi ko kayang patahimikan ang pangarap kong magmadre. Gusto kong malaman kung ang tawag na ito ay nanggagaling lang sa akin o talagang galing sa Diyos. Sumailalim ako sa isang discernment habang ako’y nasa CYA-UST (Christ’s Youth in Action). Nakatulong nang malaki sa akin ang grupong ito na seryosohin ang personal kong relasyon sa Diyos. Mas nabigyang-halaga ko ang pagdarasal, pagbabasa ng Salita ng Diyos, pagsisimba araw-araw at pangungumpisal nang palagian. Masaya kami sa grupong  ito. Nagtutulungan kami na mapalapit ang bawat isa sa Diyos at magsuportahan sa aming “kontra-kulturang” pananaw at pagpili. Kung paano ko nakilala ang mga Salesian Sisters ay talagang nakakatawa! Aug. 27, 1994- Nagpaalam ako sa nanay ko na pupunta ako sa isang FNYO (Federation of National Youth Organizations) gathering sa Don Bosco Joy Center dahil baka makakita ako ng Salesian Sister (at para makita rin yung crush ko). Sa registration pa lang, nagtanong na ako kung may Salesian Sister at nung break, umikot-ikot ako at nakipagkilala sa mga madre pero walang Salesian Sister akong nakilala! Hanggang sa nung pauwi na kami at may isang madreng nagtatawag ng mga kabataan at nagyaya na ring umuwi. Lumapit ako at agad nagtanong, “Sister, Salesian po ba kayo?” Sabi nya, “Oo, bakit?” Nahawakan ko talaga sya sa tuwa at sinabi,  “Sister, matagal na kitang hinahanap!”. Si Sr. Teresita Saludares ‘yon. Nagpakadalubhasa muna ako sa pag-attend ng LDE (Life Direction Encounter) ng 6 na taon bago ako pumasok. May 14, 2000, pumasok ako sa kumbento ng Daughters of Mary Help of Christians o Salesian Sisters of St. John Bosco. Isa kaming relihiyosong kongregasyon na ang pangunahing misyon ay Kristiyanong edukasyon ng mga kabataan. Itinatag kami nina St. John Bosco at St. Mary Domenica Mazzarello noong August 5, 1872 sa Mornese, Italy. Sa kasalukuyan, may 15,000 FMA (Figlie di Maria Ausiliatrice) Sisters na nasa 97 bansa sa buong mundo. Nagsimula kami ng misyon dito sa Pilipinas nong 1955 at mayroon kaming 17 komunidad sa Luzon at Visayas at 2 sa Papua New Guinea. Dahil kami ay isang kongregasyon para sa mga kabataan, mayroon kaming mga eskwelahan, catechetical apostolate, oratory youth centers, streetchildren centers, boarding houses, student at technology centers para sa kanila. Layunin namin na maging kaibigan, kalakbay at gabay ng mga kabataan sa kanilang paghahanap ng kahulugan sa buhay at ilapit sila kay Hesus at Maria upang maging mabubuting Kristiyano at tapat na mamamayan.

Ako ay 23 taong gulang ng pumasok, handa ako sa lahat at bukas ang aking loob kung sakaling malaman ko na hindi ito ang buhay para sa akin. Nakita ko na masaya rin ako sa labas pero parang may gusto pa akong hanapin sa buhay. Ayaw kong magsisi sa bandang huli dahil hindi ko pinagbigyan ang sarili ko na hanapin ‘yon. At nakita ko nga…

Lahat tayo ay may kanya-kanyang tawag ng pag-ibig mula sa Panginoon at hindi tayo natatahimik hangga’t hindi tayo tumutugon  sa tawag na ito. Laging parang may kulang. Nagkakaroon tayo ng kapayapaan kapag alam ng puso natin na ang kalooban Niya at kalooban natin ay iisa. At kapag nakita na natin ang plano ng Diyos para sa atin, alagaan natin ‘yon ng dasal at pagsusumikap na tumugon ng buong puso araw-araw. Sa bandang huli, makikita natin hindi pala tayo ang umibig nang matindi. Tayo pala ang iniibig ng Diyos nang matindi saan mang estado ng buhay Nya tayo tinatawag. Inibig ka na ba nang matindi? Hayaan mong ibigin ka ng Diyos ng matindi. Hinayaan at hinahayaan ko Syang ibigin ako nang matindi…

*Nais mo bang alamin ang tawag ng Panginoon sa’yo o “wala lang”…gusto mo lang makilala ang Daughters of Mary Help of Christians (Salesian Sisters of St. John Bosco).  Maaaring makipag-ugnayan sa kanilang Vocation Directress na si Sr. Soccoro Bacani (o sino mang Salesian Sister na malapit sa inyo) sa numerong 0917-483-84-32, (02) 525-91-26. Bumisita sa kanilang website www.fmafil.org.ph, youtube: lay down my pride (a calling for religious vocation) o makipag-ugnayan kay Sr. Evangeline M. de Leon sa (049) 502-99-79; 0916-466-02-39 o mag-email sa fmaphilo_evangeleast@yahoo.com.

Posted October 7, 2009 by fmavocation in Uncategorized

9 responses to Umibig ka na ba nang matindi? Kwentong Bokasyon ni Sr. Evangeline M. de Leon, FMA

Subscribe to comments with RSS.

  1. hello po. its my first time to open this page though i always visit ur site, i cant open it because its been blocked by our company. and i dnt knw today, why i able to open, amazing! i was touched by the vocation story of Sr. Evangelina…and i think i met her already if im not mistaken in Mornese.what a courage to take the first step, wow. its quiet difficult to follow but with the Grace of our Lord, everything is being settled.ang galing kasi its how the Lord expresses His Love to us…not our love to Him.akala ko mas maganda ang wag na lang umibig kasi mas less ang pain, pero mali po pala, dahil the more na nagmamahal tayo, the more na nagkakaroon ng meaning ang existence natin dito sa mundo.
    hayyy, ang sarap magmahal…

  2. ..Viva Gesu,sr.eva! it was so nice to read your voc.story haha! nakakarelate ako,. i hope you could still remember me. i met you last Lde in dbs. thank you so much. praying for you!

  3. wat a story..hahaha ang cute title plang”umiibig k n ba nang matindi”.evrytym n mgo2pen aku ng fma blog,vocation story 1st ung tinignan ko po,ewn ku b nka2inspire po kz.hahaha,

    dats tru sr. no words can expres how much he loves us,and no words can expres hw much i love him.boyfriend,dah! hahaha d po aku puot nian,d nla mtu2mbasan ung love n bnibgay ni father GOD,wlang mka2pantay.i’v fallen in luv wid u.-jesus-

  4. Hi sister..naghahanap po ako ng vocation stories at isa to sa nakatawag pansin sa kin..ewan ko po..feeling ko kasi may calling ako..pero ewan..ive been to don bosco for taize pilgrimage..am working now but ive been an active yoouth leader in our parish and i felt a happiness in my heart na mas deeper as compared when i have other “fun”..nwy sr, Godbless po..your article is a blessing and inspiration to me…

    • thanks sally. where are you now? you may continue to be inspired by many other stories. sooner we will activate this part of the blog with other vocation stories and other vocation materials. hope to see you soon! God bless you. FMA Vocation Team

  5. Thanks…. you are like a real Saint…You almost change my negative manners because of you…. I Trust GOD and to everyone….because of you! hoping i will graduate because of you!!! WAG yong…. hindi ako makagraduate because of you…. HA HA HA

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.